Isyu sa Basura: SOLUSYUNAN

nina Jean Cedie Opaon at Randy Ayensa

Ang problema sa basura ay hindi na bago sa ating bansa. At isa rin ito sa paulit-ulit na isyung nababalita na hindi masolusyonan. Lalo nat ang problemang ito ay nakadepende sa ating tamang pag di-disiplina sa ating sarili, kapaligiran, at pag bigay ng kahalagahan sa ating kalikasan. Para na rin sa ikagaganda at ikabubuti ng ating ekonomiya. Ang sanhi ng mga basura ay ang walang pakundangang pagtatapon ng mga ginamit na bagay tulad ng plastik, bote, bagay na sira na at wala ng pakinabang sa hindi tamang tapunan. Hindi maiiwasang gumamit tayo ng mga bagay ng mauuwi sa basura, ngunit ang responsableng pagtatapon, pagrerecycle at pagrereuse ng mga bagay ay makababawas ng malaki sa pagdami ng basura. Habang dumarami ang tao at lumalaki ang pangangailangan ng pagkain, dumarami rin ang basura at dumi na itinatapon ng bawat pamilya. Dahil na rin sa may kakulangan sa pondo, pananalapi o di-mabisang pamamaraan, hindi lahat ng mga basura at dumi ay nakokolekta at nadadala sa hantungang tambakan nito. Nagiging sanhi ito ng mga problema sa kalusugan at kapaligiran.

Ang mga basurang pinababayaang nakatiwangwang ay umaakit sa mga langaw, lamok, ipis, mga daga at iba pang mga hayop na nagkakalat ng mga sakit. Pangkaraniwan na ang mga basang basura at dumi ang nabubulok at nagbibigay ng mabahong amoy. Ang mga nagtatrabaho sa mga incinerator o plantang sinusunog ang mga basura hanggang maging abo ang mga ito, ay nanganganib na magkaroon ng sakit sa baga na hindi magagamot, kasama ang cancer bunga ng paglanghap ng mga alikabok at mapanganib na mga naghalong sangkap. Nagiging daan ito sa maruming kapaligiran at sa pagdami ng problema sa kalusugan. Ang mga plastic na basura ay isa pang sanhi ng masamang kalusugan. Ang paghawak, pagkakalantad o exposure sa mapanganib na basura, tulad ng mga chemicals, ay makasasama sa kalusugan ng tao, lalo na sa mga batang madaling dapuan ng sakit. Maaaring magkaimpeksiyon ang balat o dugo mula sa tuwirang paghawak, paghipo o pagdikit sa basura, at mula sa sugat na may impeksiyon. Maaari ring magkaroon ng impeksiyon ang mga mata at paghinga galing sa alikabok, lalo na sa landfill operations. Ang mga kagat ng kulisap at hayop na nanginginain ng mga basura ay nagdadala ng iba't ibang sakit. Sakit na walang lunas. Ang tuwirang paghawak o paghipo ay maaaring magdala ng sakit sa pamamagitan ng chemical exposure. Ang organic domestic waste ay nagdadala ng malubhang pagbabanta, yamang ang mga ito ay nag-fe-ferment (kumakatas nang maasim) na lumilikha ng tamang kondisyon upang mamalagi at dumami ang mga mikrobyo. Ang pinabayaang basura ay pumipigil din sa pagdaloy ng tubig, at kinauuwian sa mabahong tubig na nagiging lugar ng pagdami ng mga sakit. Ang tuwirang pagtatapon ng basurang hindi inaalis ang nakalalasong chemicals sa mga ilog, dagat at lawa ay hahantong sa pagtitipon ng mga nakalalasong materyal sa food chains sa pamamagitan ng mga halaman at hayop na umiinom o kumakain doon.

Sa totoo lang, ang problemang ito ay talagang di matapos-tapos at masolusyonan. Pero meron tayong magagawa para malimitahan ang mga ganitong klaseng problema. Gaya ng pagdidisiplina sa sarili ang tanging solusyon para malimitahan ang problema sa basura. Marami kasing mga taong walang pakundangang nagkakalat at walang disiplinang nagtatapon ng mga supot, basyo ng pinagkainan at upos ng sigarilyo sa paligid na kailangang mapagsabihan at ipaliwanag ang masamang epekto nito sa ating kapaligiran. At isa na rito ang tinatawag na “Segregation” o paghihiwalay ng mga nabubulok sa hindi nabubulok. Ang mga nabubulok ay kadalasang balat ng prutas, balat ng gulay at marami pang iba. Pwede pa rin itong pakinabangan sa pamamagitan ng pagpapakain sa hayop o kaning baboy. Ang mga hindi nabubulok ay malaki ang pakinabang. Ito ay pwedeng ipunin at ibenta, tulad ng mga bote, mga plastic na gamit na, mga sirang cellphone na pwedeng irecycle at iba pa. Ang mga basurang pinabayaan sa paligid ay malaking pinsala sa ating kalusugan. Marami ang maapektuhan lalo na sa pamumuhay kung halimbawang mangyari ang biglaang pagbaha ng hindi inaasahan. Ayon nga sa kasabihan, "Babalik sa iyo ang kalat na itinapon mo. At ang gawang mabuti ay nagbubunga ng mabuti".

Comments

Popular Posts